‘We’ve Got A Life Too!’

ME, STARZAN By Joey De Leon

image

And sometimes we ‘re-live’ other lives, too. From left — Marilyn Monroroko, Jimmy Santos, Elvis Presto, May Baby Spice, John Lamon and Senator Tito Sotto

Minsan paglabas may nais magpalitrato

Na isang babae na waring isang dayo,

Sa pagkakatitig sa aki’y sambit nito,

“Aba, ang pogi mo pala sa personal ‘no!”

 

Sa tinuran ng babae ako’y napa-NGIK!

Napatawa na lang ako’t napabunghalit,

“Ibig n’yo bang sabihin sa inyong sinambit,

Sa TV pa nun tingin mo sa aki’y pangit?!”

 

May mga taong ganyan sa unang paglapit,

Mga linyang ganyan madalas na ihirit!

Mas maayos lang sana kung ang linyang gamit —

Na sa harapan kagwapuhan mo’y higit!

 

At kung sinasabi nila’y ganito,

“Aba, sa personal pala ikaw’y MAS gwapo!”

May handa na ring sagot at ito ang takbo,

“Ganon ba, eh di palitan mo na TV mo!”

 

‘Yan nama’y pakikipaglaro lang sa tao,

Ubra namang isang ngiti isukli dito!

Ang masakit n’yan kung ikaw ay taga-radyo,

“Ikaw pala ‘yon, ba’t ang ganda ng boses mo?”

 

Dapat ay masanay ka sa dila ng tao

Tulad, “Ay ang taba mo pala sa totoo!”

At may agad na sagot naman sa ganito,

“Seven times a day kasi kung kumain ako!”

 

Kahit may kagandahan pa marinig mo

Katulad ng, “Mukha ka pa palang bata ‘no!”

Ay binabalikan pa bukod sa “Uy, thank you!”

“BATA po ba? Akala ko’y BOTOX sabi n’yo!”

 

Maigi nga ‘yan at masusubukan dito

Nang husto at totoo ang sense of humor mo!

 Tanggapin ‘yay bahagi na rin ng trabaho

At walang layunin bang manakit sa iyo!

 

Meron pa ngang iba d’yan na nakikialam

Pati sa nilalaman ng palatuntunan!

Kesyo tigilan na raw o kaya’y palitan!

Ito nama’y social media pinapadaan!

 

Subalit lahat ng ‘yan ay sanayan lamang,

Sa tagal nami’y nasagupa na lahat ‘yan!

Kahit ano pang puna’t asiwang sundot d’yan,

Manhid na kami at hindi na tinatablan!

 

Narito halimbawa upang patunayan

Na sanay kami sa “KABADUYA’T KABAKYAAN” …

‘Yun bang mga “KABABAWAN at KABABAAN” …

Aming mga “KAHINAAN at KAPANGITAN”!

 

Minsan ang paksa habang nanananghalian —

KUNG NAGDAAN BAWAT ISA SA KAHIRAPAN?!

ANONG KAHIRAPANG DINANAS NANG SUKDULAN?!

S’yempre totoo lang at walang bolahan!

 

May ilan sa aming hiwalay ang magulang,

May nag-ulam ng toyo at mantika lamang!

May inalila’t tinuring parang basahan!

Tatlong araw ang kumain hindi natikman!

 

“Born with a silver spoon” ang ating kasabihan

Sa isinilang bang SOZ at napakayaman!

At totoo ring may soy sauce ang inuulam!

Ang tawag namin d’yan ay BORN WITH A SILVER SWAN!

 

Wari siguro ako’y nagpapatawa lang,

Sumusumpang hindi po at sa katunayan,

Nung nagkwento ‘yung isa s’ya pa ay luhaan!

Bahala na kayo’t inyo na lang hulaan!

 

‘Langya para tayong nagba-blind item nito!

Pero ‘yan ang Dabarkads para malaman n’yo!

Mga tao rin kami na katulad ninyo!

WE’VE GOT A LIFE TOO! Kaya ‘wag kayong magulo!

comments powered by Disqus

mofuse.com